Nabulabog ang social media matapos kumalat ang mga larawan na tila kasal nina Kiray Celis at longtime boyfriend niyang si Stephan Estopia, ngunit kinumpirma ng source na ang viral beach-style ceremony ay hindi pa totoong kasal.
Nag-post si Kiray sa Instagram ng serye ng magagarang larawan mula sa Las Casas Filipinas de Acuzar sa Bagac, Bataan. Nakasuot siya ng off-shoulder bridal gown habang naka-brown suit naman si Estopia. Lalong nagliyab ang espekulasyon dahil sa caption na “#TEPANallyfoundhisdesTINGny,” isang playful na paghalo ng pangalan nila at salitang destiny.
Agad bumaha ng congratulatory messages mula sa celebrities tulad nina Rufa Mae Quinto, Diana Menezes, at G3 San Pedro. Maging ilang publications ay naglabas ng reports na ikinasal na ang dalawa, dahilan para maraming fans ang maniwalang naganap na ang seremonya.
Ngunit ayon sa sources, ang mga litratong nag-viral ay mula lamang sa music video shoot, at hindi pa sa tunay na kasal ng aktres.
Ang dreamy wedding setup na nakita online ay bahagi ng MV na ilalabas ngayong Disyembre, kasabay ng tunay na kasal nina Kiray at Stephan na gaganapin rin sa buwan ding iyon.
Sa isang ulat noong Nobyembre 9, kinumpirma ni Kiray na Disyembre ang kanilang totoong wedding, kung saan isa sa principal sponsors ang Megastar na si Sharon Cuneta.
Sa ngayon, naghihintay pa ang fans sa tunay na “I do” at ang viral photos ay nagbigay lamang ng cinematic sneak peek na napa-akalang totoong kasalan na.
