NAKAHANDANG dumalo si Senator Joel Villanueva sa posibleng special session ng Kongreso na ipapatawag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa kabila ng nagpapatuloy na sigalot sa liderato ng Senado.
Sa isang video message, binigyang-diin ni Villanueva na hindi dapat maapektuhan ang serbisyo at ang mga empleyado ng institusyon dahil sa pulitika.
“Hindi pwedeng away na lang tayo nang away. Bilang mga lingkod-bayan, ang prayoridad natin ay tiyaking nagtatrabaho ang Senado para sa inyo,” ani Villanueva. “Kung ipatatawag ang special session, tutuparin natin ang ating sagradong tungkulin sa ilalim ng Konstitusyon. Darating tayo.”
KAUGNAY NA BALITA: ‘Dirty tricks’ ni Cayetano sa special session, pinaghahandaan ng Senate majority bloc — Lacson
Nagsimula ang gulo nang mapatalsik si Sen. Vicente “Tito” Sotto III at palitan ni Sen. Alan Peter Cayetano noong Mayo 11, na sinundan naman ng deklarasyong bakante ang lahat ng pwesto noong Hunyo 3 matapos ang diumano’y boykot ng paksyon ni Cayetano. Sa ngayon, si Sen. Sherwin Gatchalian ang tumatayong Senate President Pro Tempore ng bagong majority bloc na may 12 miyembro.
Bagama’t may mga espekulasyong si Villanueva ang magbibigay ng krusyal na ika-13 boto para pormal na mapalitan si Cayetano, iginiit ng senador na hindi ito ang panahon para pumanig sa magkatunggaling pwersa.
BASAHIN: Villanueva, Jinggoy lulundag sa Gatchalian bloc?
Aniya, mas nais niyang tutukan ang mga mabibigat na isyu sa bansa. Sa katunayan, oras na magsimula ang special session, plano niyang maghain ng resolusyon para matiyak ang sapat na pondo sa relief at rehabilitasyon ng mga lugar na sinalanta ng magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao.
