IPINAGTANGGOL ng Sparkle GMA Artist Center ang kanilang talent na si beauty queen-turned-actress Bianca Manalo, matapos itong madawit sa usap-usapan hinggil sa hiwalayan ng isang kilalang magkasintahan.
Nitong nakaraang linggo, naging usap-usapan ang balitang naghiwalay diumano si Miss Universe Philippines 2022 Celeste Cortesi—na isa ring Sparkle artist—at ang British partner nitong si Jonathan Sterling.
Kasunod nito, mabilis na kumalat ang mga tsismis na si Manalo, na nagwagi namang Miss Universe Philippines noong 2009, ang diumano’y naging dahilan ng hiwalayan.
BASAHIN: Jimuel Pacquiao at non-showbiz partner na si Carolina, kasal na sa US
Agad namang nagpalabas ng opisyal na pahayag ang talent arm ng GMA Network noong Biyernes, Hunyo 12, upang linawin na walang katotohanan ang mga paratang laban kay Manalo.
“Si [Bianca] ay single at walang anumang karelasyon sa kasalukuyan. Umaasa kami na tatapusin na nito ang isyu, at nawa’y patuloy nating palaganapin at piliin ang kabutihan,” saad sa pahayag ng ahensya na ibinahagi rin ni Manalo sa kanyang sariling social media accounts.
Pinabulaanan na rin mismo ni Cortesi ang kumakalat na tsismaks at nagpahayag na maayos ang estado nila ni Sterling. Ayon sa kanya, ang kanilang atensyon ay nakatutok ngayon sa pangangalaga sa kanilang magiging anak na papangalanan nilang Sergio.
“Naniniwala ako na may mga sitwasyong nangangailangan ng mas malawak na pag-unawa at respeto, lalo na kapag may bata at pamilyang kasangkot,” ani Cortesi. “Ang priyoridad namin ay ang aming pamilya, at doon nakalaan ang aming oras, lakas, at atensyon. Dahil dito, maaari nang mag-relax ang mga tao at mag-focus na lamang sa kani-kanilang sariling buhay. Salamat.”
Ang naging pahayag ng Sparkle ay nagsisilbi ring karagdagang kumpirmasyon na tuluyan nang nagtapos ang relasyon ni Manalo kay Senador Sherwin Gatchalian, na nagsimula noong 2018.
Napansin ng mga netizen na tila nagkahiwalay ang dalawa sa pagitan ng huling bahagi ng 2024 at unang bahagi ng 2025 matapos silang magdiwang ng Pasko nang magkahiwalay at hindi na nakita pang magkasama sa mga picture.
Nitong nakaraang Enero, tuluyan nang kinumpirma ni Gatchalian na “non-existent” o zero ang kanyang love life, na nagpapatunay na tuluyan nang nagtapos ang kanilang relasyon ni Manalo.
