PORMAL nang umatras ang Ateneo Blue Eagles men’s basketball team mula sa nagpapatuloy na 19th Filoil EcoOil Pre-Season Cup.
Inihayag ito nitong Linggo, Hunyo 14, sa pamamagitan ng isang opisyal na pahayag na inilabas ng executive committee ng torneo.
“Ipinaalam sa Executive Committee ng 19th Filoil EcoOil Preseason Cup ang desisyon ng Ateneo de Manila University na umatras sa paglahok sa nalalabing bahagi ng torneo. Matapos ang patuloy na diskusyon at ayon na rin sa kumpirmasyon ng athletic director ng pamantasan na si G. Emmanuel Fernandez, minarapat na pagbigyan ang kanilang kahilingan bilang pakikiramay kasunod ng naganap na trahedya,” saad sa pahayag ng liga.
“Patuloy na nagpapaabot ng taos-pusong pakikiramay ang liga sa mga naulilang pamilya at sa buong komunidad sa pagdaan sa mahirap na yugtong ito.”
Nayanig ang buong basketball community sa bansa dahil sa insidente, na nagbunsod din ng mga panawagan para sa transparency, accountability, at hustisya para sa dalawang pumanaw na atleta.
Ang pag-atras ng Ateneo ay bunsod ng trahedyang pagkamatay ng kanilang rookie na si Rene Baterbonia at ng Nigerian big man na si Divine Adili. Nalunod ang dalawang manlalaro noong Hunyo 8 sa Dipaculao, Aurora habang nasa isang team boot camp.
KAUGNAY NG BALITA: Baldwin sa pagkalunod ng dalawang Ateneo player: ‘I’m sorry’
Nagsimula ang kampanya ng Ateneo sa torneo noong Hunyo 6, kung saan tinalo nila ang Adamson Falcons sa iskor na 72-52—isang laro na nagpakita sana ng potensyal ng koponan para sa darating na UAAP season. Tampok sa larong iyon ang rookie na si Kieffer Alas, habang si Baterbonia ay namataan pa sa sidelines na nanonood kasama ang iba pang mga bagong manlalaro.
Nakatakda sanang sumabak ang Blue Eagles sa dalawang laro ngayong linggo laban sa UST Growling Tigers (Hunyo 16) at FEU Tamaraws (Hunyo 17), ngunit tuluyan na itong ikansela kasunod ng pag-atras ng koponan. (RON TOLENTINO)
