Photo credit: Mayor Vico Sotto
Walang “pasko-pasko” o “special permit” ngayong taon dahil tiniyak ni Mayor Vico Sotto na huhulihin ang lahat ng magbebenta ng paputok sa lungsod bago sumapit ang Bagong Taon.
Nitong Biyernes, December 26, timbog na ng Pasig PNP ang isang lalaking nag-aalok ng mga iligal na paputok sa Facebook. Ayon sa Mayor, ipinagmamalaki pa ng suspek na “Bocaue prices” ang kanyang tinda at handang makipag-meet up sa loob ng Pasig.
“Nanghuhuli po kami ngayon ng mga nagtitinda ng illegal firecrackers. Ito po kahapon, naaresto ng PNP Pasig ang isang online seller at kinumpiska ang mga tinda niyang paputok,” pahayag ng alkalde.
“Kahit ‘yung nagmamakaawa sa opisina kahapon, hindi na po pinagbigyan,” ani Sotto, matapos kumpirmahin na zero permit o wala silang inilabas na kahit anong lisensya para magtinda ng paputok ngayong 2025.
Gayunman, aminado ang alkalde na malaking hamon ang lokasyon ng Pasig, dahil malapit ito sa mga pagawaan at distributor ng paputok.
“Ang problema lang talaga natin, ang lapit sa atin ng mga pagawaan at distributor ng paputok kaya nakakapasok at nakakapasok pa rin. Nasa gitna rin tayo, may boundary sa pitong LGU, kaya nagiging problema rin ito sa ibang usapin,” paliwanag niya.
Tiniyak ni Sotto na magpapatuloy ang mahigpit na pagbabantay at operasyon ng Pasig PNP at mga barangay upang hulihin ang mga nagbebenta ng ipinagbabawal na paputok at matiyak ang ligtas na pagdiriwang ng Bagong Taon.
Batay sa datos ng Department of Health (DOH), may 28 kaso ng firecracker-related injuries mula Disyembre 21 hanggang 25. Pagsapit ng Sabado, umakyat na sa 57 ang kabuuang bilang ng mga nasugatan, kabilang ang dalawang bata na nawalan ng daliri sa magkahiwalay na pagsabog ng paputok.
Ayon pa sa DOH, 35 sa 57 biktima ay menor de edad, at karamihan ay nagtamo ng multiple injuries at paso sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Samantala, iniulat ng PNP na may 47 firecracker-related injuries mula Disyembre 16 hanggang 26, at inaasahang tataas pa ito habang papalapit ang kasagsagan ng selebrasyon. Nakapagtala rin ang pulisya ng isang nasawi dahil sa ligaw na bala at 23 kataong naaresto dahil sa ilegal na pagbebenta ng paputok.
Bagama’t mas mababa ang bilang kumpara sa nakaraang taon, muling nagbabala ang DOH na nananatiling delikado ang paputok (legal man o ilegal) lalo na sa mga bata. (Arnold Pajaron Jr)
