File Photo
Sunod-sunod na operasyon laban sa ilegal na paputok at improvised pyrotechnic devices ang ikinasa ng iba’t ibang himpilan ng pulisya sa lalawigan ng Rizal nitong Disyembre 26, 2025, na nagresulta sa pagkakakumpiska ng dose-dosenang “boga” at ipinagbabawal na firecrackers sa bisa ng RPPO Implan Iwas Paputok at mga lokal na ordinansa.
Sa Pililla, pinangunahan ng Pililla Municipal Police Station (MPS) ang operasyon sa mga barangay ng Bagumbayan, Quisao, Wawa, Takungan at Malaya kung saan nasamsam ang 23 piraso ng improvised cannon o “boga” na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P2,300. Ayon sa pulisya, agad na iniwan ng mga may-ari ang mga ipinagbabawal na paputok nang maramdaman ang presensya ng mga operatiba.
Sa Binangonan, apat na barangay ang pinasok ng pinagsanib na puwersa ng Binangonan MPS, mga BPSO at lokal na pamahalaan. Kabuuang 22 piraso ng “boga” na nagkakahalaga ng P2,200 ang nakumpiska, karamihan ay mula sa mga menor de edad, alinsunod sa Municipal Ordinance No. 005, S. 2025.
Sa Morong, dalawang magkahiwalay na operasyon ang isinagawa. Una, limang pakete ng Three Star firecrackers na nagkakahalaga ng P900 ang nasamsam sa Barangay San Jose. Sumunod, 10 piraso ng “boga” na nagkakahalaga ng P1,000 ang nakumpiska matapos itong iwan ng mga may-ari.
Sa Rodriguez, magkahiwalay ding operasyon ang ikinasa sa Kasiglahan Village at Southville 8C, Barangay San Jose at Barangay San Isidro. Nasamsam ang iba’t ibang uri ng ilegal na paputok tulad ng kwitis, higad, luces, roman candles, pop-pop at whistling moon traveller, na may kabuuang tinatayang halaga na halos P7,000. Lahat ng ito ay iniwan umano ng mga nagbebenta nang makita ang mga pulis.
Sa Tanay, 18 piraso ng improvised “boga” na nagkakahalaga ng P1,350 ang nakumpiska sa mga barangay ng Wawa at Katipunan-Bayani, karamihan din ay mula sa mga menor de edad.
Sa Baras, 15 piraso ng gas-powered cannons o “boga” na nagkakahalaga ng P2,000 ang nasamsam sa bisa ng Municipal Ordinance No. 02, S. 2018.
Sa Antipolo City, nasamsam ang iba’t ibang klase ng firecrackers sa Sitio Kapatagan, Barangay San Jose, kabilang ang Three Star Special, higad, sinturon ni Judas at kwitis, na may kabuuang tinatayang street value na P4,000 matapos iwan ng hindi pa nakikilalang nagbebenta.
Samantala, sa Angono, nakumpiska rin ang sari-saring ipinagbabawal na paputok kabilang ang Pacquiao Ultrama, Corsair, whistle bomb, De Fuego, sinturon ni Judas, kwitis at apat na piraso ng boga, na may kabuuang halagang P1,810, matapos tumakas ang vendor.
Ayon sa Rizal Police Provincial Office (RPPO), ang lahat ng nakumpiskang boga at firecrackers ay isusumite sa provincial headquarters sa Barangay Dolores, Taytay, Rizal para sa tamang disposisyon at ceremonial destruction.
Muling pinaalalahanan ng pulisya ang publiko, lalo na ang mga magulang, na mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit at pagbebenta ng ilegal na paputok, partikular sa mga menor de edad, upang maiwasan ang aksidente at matiyak ang ligtas na pagdiriwang ng Bagong Taon. (Arnold Pajaron Jr)
