May 17, 2024

VICE MAYOR, ENGINEER ITINUMBA

PAGADIAN CITY, Zamboanga del Sur – Kaagad binawian ng buhay ang isang vice mayor at kasamahan nito habang isa pa ang sugatan matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin nitong Biyernes ng hapon.

Kinilala ang nasawi na si Vice Mayor Resituto Calonge at Engr. Edgar Pampanga, at nasa kritikal na kondisyon naman si Hadji Abduhari Gapor.

Base sa insiyal na ulat, kausap ng vice mayor ang kanyang dalawang kasamahan dakong alas-3:00 ng hapon sa labas ng Municipal Hall sa Barangay Poblacion nang lapitan sila ng suspek at pagbabarilin.

Ayon sa mga nakasaksi, agad tumakas ang suspek gamit ang itim na motorsiklo na Honda XRM125 na nakaparada lamang malapit sa pinangyarihan ng krimen.

Saad ni Police Major Edwin Duco, tagapagsalita ng Police Regional Office 9, nagtamo ang tatlong biktima ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Narekober sa crime scene ang mga basyo ng bala ng caliber .45 pistol.