Ramdam na ang nalalapit na Araw ng mga Puso sa Commonwealth Market sa Quezon City habang dinaragsa na ng mga mamimili ang mga stalls ng mga pang-regalo ngayong Martes, Pebrero 10, 2026.
Abala ang mga sales lady sa pag-aasikaso sa mga mamimili na pumipili ng mga makukulay na heart-shaped pillows at iba’t ibang uri ng stuffed toys na nakatakdang ibigay bilang regalo sa kanilang mga mahal sa buhay.
Ayon sa mga tindera, mas maaga ang naging paghahanda ng marami ngayong taon upang makaiwas sa siksikan at sa inaasahang pagtaas ng presyo ng mga bilihin pagdating ng mismong Valentine’s Day sa Pebrero 14. Bukod sa mga stuffed toys, inaasahan ding dadagsain ang mga bulaklak at iba pang palamuti sa mga susunod na araw.
Sa kabila ng mga pagsubok sa ekonomiya, patuloy na nagiging tradisyon para sa mga Pilipino ang pagbisita sa mga pampublikong pamilihan tulad ng Commonwealth Market upang makahanap ng mga abot-kaya ngunit makabuluhang regalo para sa kanilang mga karelasyon, kaibigan, at pamilya.
