Sa gitna ng paghahanda para sa darating na Chinese New Year, nanguna si Rev. Father Wong Sheng Tian ng Sheng Lian Temple sa isang ritwal ng pananalangin at pag-aalay ng insenso ngayong Martes, Pebrero 10, 2026.
Ang nasabing seremonya ay bahagi ng tradisyunal na pagpupugay sa mga diyos, sa mga Buddha, at sa mga ninuno bilang pagbati sa papasok na Year of the Horse.
Ayon sa tradisyong Tsino, ang mabangong usok na nagmumula sa insenso ay nagsisilbing simbolo ng mga panalanging pumapaitaas patungo sa espirituwal na mundo. Ito ay pinaniniwalaang nagdadala ng mga hiling, pasasalamat, at debosyon ng mga mananampalataya.
Ang aktibidad na ito ay hudyat ng mas malalim na espirituwal na paghahanda para sa mga deboto.
Layon nito na humiling ng suwerte at gabay para sa darating na taon, magpakita ng pasasalamat sa mga biyayang natanggap sa nagdaang taon at pagtitibayin ang koneksyon sa mga ninuno sa pamamagitan ng pag-aalay.
Inaasahang dagsa ang mga bibisita sa Sheng Lian Temple sa mga susunod na araw habang papalapit ang mismong pagdiriwang ng Chinese New Year, dala ang pag-asang magiging kasing-sigla ng “Kabayo” ang takbo ng buhay sa 2026.
