Walang makapigil! University of the Philippines (UP) ang muling hari ng preseason matapos walisin ang National University (NU) Bulldogs, 79-65, at iuwi ang ikatlong sunod na korona sa Filoil EcoOil Preseason Cup nitong Linggo, Hulyo 27, sa Filoil EcoOil Centre.
Hindi na nagpatumpik-tumpik pa ang Fighting Maroons sa huling yugto ng laro—dumistansya ng hanggang 23 puntos matapos pumasok ang jumper ni Francis Nnoruka para gawing 72-49 ang score.
Sinubukang bumawi ng NU, nabawasan pa nila sa 13 ang lamang sa huling minuto, pero sablay ang mga tira nina Gelo Santiago at Kenshin Padrones na sana’y magpapa-igting sa kanilang rally. Sa kabilang banda, tinuldukan ni Harold Alarcon sa pamamagitan ng isang free throw ang panalo ng UP.
Bida si Francis Nnoruka na nagtala ng 15 puntos at 12 rebounds para sa solidong double-double performance.
Tinanghal namang Finals MVP si Gerry Abadiano na tumulong ng 13 puntos at dalawang rebounds para sa kupunan.
Para sa NU, sina Jake Figueroa (12 pts) at Padrones (10 pts) lamang ang naka-double figures sa buong laro—kulang para salagin ang bagsik ng Maroons.
Dahil sa three-peat, naiuwi ng UP ang prestihiyosong ECJ Perpetual Trophy, isang espesyal na tropeo na ibinibigay lamang sa mga team na tatlong sunod na magkampeon sa torneo. Hindi pa man opisyal, usap-usapang ito na raw ang huling taon ng kasalukuyang coaching staff ng UP. Kung totoo man, aba’y napakagandang pamamaalam — isang tatlong sunod na korona at bagong kabanata sa kasaysayan ng Filoil! (RON TOLENTINO)
