Umani ng sunod-sunod na pambabatikos mula sa kanyang mga kasamahan sa Senado si Senator Robin Padilla matapos nitong hilingin na payagan ang online participation sa mga sesyon sa pamamagitan ng pag-invoke ng “force majeure” dahil umano sa climate crisis at mga pandaigdigang tensyon.
Iginiit ni Padilla sa sesyon noong Miyerkules ng gabi, May 27, 2026, na malinaw na may umiiral na force majeure sa bansa.
Bukod sa matinding epekto ng El Niño at krisis sa klima, idinahilan din ng mambabatas ang digmaan sa Middle East at ang hidwaan sa pagitan ng Taiwan at China upang bigyang-daan ang virtual attendance ng mga senador.
Gayunpaman, mariin itong tinutulan ng iba pang mambabatas sa pangunguna nina Senators Erwin Tulfo, Risa Hontiveros, at Panfilo “Ping” Lacson.
BASAHIN: DONASYON NI HERBOSA NA P620-M SA WHO, SINILIP NI GARIN
Sa isang panayam nitong Huwebes, May 28, tahasang kinuwestiyon ni Tulfo ang lohika sa argumento ni Padilla.
Ipinaalala niya na ang force majeure ay tumutukoy lamang sa mga hindi inaasahan at hindi makokontrol na sakuna. Tanong pa ni Tulfo, paano magiging hadlang ang El Niño para hindi makadalo nang pisikal ang mga mambabatas kung airconditioned naman ang gusali ng Senado.
Sa pamamagitan naman ng isang social media post, tila nang-uyam din si dating Senador Ping Lacson na nagsabing ang hirit na ito ay hindi maituturing na force majeure kundi isang “unforced error” o maling diskarte.
Para naman kay Deputy Minority Leader Risa Hontiveros, ang mga mismong isyung binanggit ni Padilla ang dahilan kung bakit lalong dapat magpakita nang pisikal sa trabaho ang mga opisyal ng gobyerno.
Ani Hontiveros, ang mga usapin sa climate change, krisis sa Middle East, at pagtaas ng presyo ng langis ay nangangailangan ng seryosong deliberasyon na dapat personal na harapin ng mga mambabatas.
Idinagdag din niya na matagal nang umiiral ang tensyon sa pagitan ng China at Taiwan at hindi ito kailanman magiging balidong rason para lumiban sa bulwagan at mag-online session na lamang ang mga senador.
