Pormal nang isinampa ng Tanggapan ng Ombudsman sa Sandiganbayan ang kasong Plunder at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act (R.A. 3019) laban kay Senator Jose “Jinggoy” Estrada, dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan, at ilang opisyal ng kagawaran.
Sa isang press briefing ngayong araw, May 28, 2026, inanunsyo ng Ombudsman na nakakita sila ng probable cause o sapat na batayan matapos ang masusing ebalwasyon sa imbestigasyong isinagawa ng NBI-DOJ Task Force.
Ayon sa Ombudsman, sangkot ang mga akusado sa isang sopistikadong iskema ng mga budgetary insertions at maanomalyang alokasyon ng mga imprastraktura sa ilalim ng DPWH portfolio para sa Fiscal Year 2025.
BASAHIN: JINGGOY, NAGMATIGAS SA BAGONG PLUNDER ACCUSATION: ‘SO BE IT!’
Lumalabas sa imbestigasyon na umabot sa mahigit P573 milyong halaga ng komisyon o kickbacks ang sistematikong napunta kay Sen. Estrada kapalit ng paggawad ng mga kontrata sa mga paborableng kontraktor.
Sinagot din ng anti-graft body ang depensa ng kampo ni Estrada ukol sa inilabas na sertipikasyon ng Legislative Budget Research and Monitoring Office (LBRMO) na naglilinis sa pangalan ng senador sa mga kuwestiyunableng insertions.
Ayon sa Ombudsman, ang sertipikasyon ay hindi sapat dahil hindi nito nasasaklawan ang mas kumplikado at nakapatong na pamamaraan (layered method) kung paano ipinapasok ang pondo sa huling yugto ng pagbuo ng pambansang badyet.
“Ang kaso ng pamahalaan ay nakatayo sa solid at hindi matitinag na ebidensya,” pahayag ng opisyal ng Ombudsman.
Ang mga testimonya aniya ng mga testigo ay detalyado at nagtutugma kung paano binuo ang transaksyon mula sa simula hanggang sa pamamahagi ng pondo.
Kasabay nito, kinumpirma ng Ombudsman na pormal nang tinanggal sa listahan ng mga kinasuhan sina dating DPWH Undersecretary Roberto R. Bernardo, dating NCR Regional Director Gerard P. Opulencia, at Bulacan 1st District Engineer Henry C. Alcantara matapos silang opisyal na tanggapin ng Department of Justice (DOJ) bilang mga state witnesses sa ilalim ng Witness Protection Program (WPP).
Samantala, ibinasura naman ang reklamo laban kay dating DPWH Undersecretary Maria Catalina Kathy E. Cabral dahil sa kanyang pagpanaw.
Dahil capital offense ang krimen na Plunder, inirekomenda ng Ombudsman sa Sandiganbayan na huwag bigyan ng karapatang magpiyansa si Sen. Estrada at mga kapwa-akusado nito.
Agad ding maghahain ang pamahalaan ng Hold Departure Order (HDO) upang mapigilan ang mga ito na makalabas ng bansa habang gumugulong ang paglilitis.
Sinisikap pa ng mga mamamahayag na makuha ang opisyal na pahayag nina Sen. Estrada at dating Sec. Bonoan hinggil sa paghahain ng mga naturang kaso.
