Anim na matataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) ang itinalaga sa mga bagong pwesto, habang dalawang iba pa ang inalis sa kanilang mga katungkulan sa pinakahuling balasahan sa pambansang pulisya.
Ang bagong rigodon ay ipinatupad sa ilalim ng General Orders Nos. NHQ-GO-DES-2026-2836 at 2837 na kapwa may petsang May 26 at epektibo nitong Miyerkules, May 27, 2026.
Sa ilalim ng balasahan, inalis sa pwesto si National Capital Region Police Office (NCRPO) Deputy Director for Administration Brig. Gen. Randy Arceo at inilipat sa Personnel Holding and Accounting Unit (PHAU)—ang yunit kung saan pansamantalang itinatalaga ang mga opisyal habang naghihintay ng kanilang bagong assignment.
Ipinalit kay Arceo si Brig. Gen. Arnold Ibay na dating deputy director ng Directorate for Education and Training. Ang iniwan namang pwesto ni Ibay ay pupunan ni PNP Academy (PNPA) Deputy Director Brig. Gen. Romeo Berango.
Kaugnay nito, itinalaga naman si Directorate for Research and Development (DRD) Executive Officer Brig. Gen. Francisco Ebreo upang palitan si Berango bilang deputy chief ng PNPA.
Samantala, magiging bagong executive officer ng DRD si Brig. Gen. Gonzalo Villamor Jr. Magugunitang pansamantalang inilagay sa PHAU si Villamor matapos itong matanggal bilang PNPA commandant of cadets dahil sa naganap na insidente ng hazing sa akademya noong nakaraang Abril.
Kasabay nito, sinibak din sa pwesto at inilipat sa PHAU si PNPA dean of academics Brig. Gen. Angela Rejano. Ang kanyang pwesto ay pamumunuan na ngayon ng kasalukuyang PNPA commandant of cadets na si Col. Frederick Obar.
Dahil sa pag-angat ng pwesto ni Obar, itinalaga si Police Regional Office Cordillera Administrative Region Deputy Director for Operations Col. Ledon Monte bilang bagong commandant of cadets ng PNPA.
Sa kasalukuyan, hindi pa naglalabas ng opisyal na pahayag o paliwanag ang pamunuan ng PNP kung bakit biglaang inalis sa kanilang mga pwesto at inilipat sa PHAU sina Brig. Gen. Arceo at Brig. Gen. Rejano.
