MANILA – Hinamon ni Senator Erwin Tulfo ang Department of Health (DOH) nitong Linggo, Hulyo 13, na magpaliwanag kung bakit tinatanggihan ng ilang ospital—pampubliko man o pribado—ang mga Guarantee Letter (GL) na para sana sa mga mahihirap na pasyente.
Ayon kay Tulfo, marami sa mga humihingi ng tulong sa kanyang opisina ang nagrereklamo na kahit sila’y na-refer na sa DOH, pinababalik lamang sila at pinaghihintay.
“May pasyente na gustong magpagamot sa Philippine Heart Center, pero pinabalik lang kinabukasan,” ani Tulfo.
Isa pang indigent patient na nangangailangan ng agarang gamutan sa National Kidney Transplant Institute (NKTI) ay sinabihan lamang na “maghintay muna.”
“Hindi puwedeng hintayin pa. Sa mga may sakit, bawat segundo mahalaga. Hindi opsyon ang paghihintay,” giit ng senador.
Dahil dito, iginiit ni Tulfo na maging transparent ang DOH kung may pondo pa ba ito para sa mga mahihirap.
“Kung wala nang pondo, sabihin ninyo. Huwag n’yo silang paasahin. Hindi naman nila piniling magkasakit—huwag na natin dagdagan ang paghihirap nila,” dagdag niya.
Paalala pa ng mambabatas, inaprubahan ng Kongreso ang sapat na pondo para sa Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients Program (MAIFIP).
“Kung ubos na ang pondo, paano nangyari ‘yun?” tanong niya.
Nagpahayag din ng pagkabahala si Tulfo sa ulat na posibleng mag-suspinde ng pagtanggap ng GL ang ilang pribadong ospital sa Region IV-A, lalo na sa Batangas, dahil sa umano’y P530 milyon na hindi pa nababayarang claims mula sa DOH.
“Gusto naming malaman: nasaan ang pondo? Nagamit ba ito noong eleksyon? O minaniobra ang MAIFIP funds?” mariing tanong ni Tulfo.
