Patay at naliligo sa sariling dugo ang isang traffic enforcer ng Department of Transportation (DOTr) matapos matagpuang wala nang buhay sa loob ng kanyang bahay, pasado alas-6 ng umaga nitong Linggo, Hulyo 13, 2025, sa Blk 20 Lot 8, Heneral Uno, Brgy. Pasong Kawayan 2, General Trias City, Cavite.
Kinilala ang biktima na si Hervin T. Cabanban, nasa hustong gulang, miyembro ng Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT) at nakatalaga sa Inter-Agency Council for Traffic (IACT) sa EDSA, Metro Manila. Naninirahan siya sa lugar kung saan nangyari ang krimen.
Ayon sa ulat ng General Trias Component City Police Station, isang tawag mula sa 911 Hotline ang kanilang natanggap kaugnay ng umano’y insidente ng pamamaril. Agad itong nirespondehan ng mga pulis.
Sa isinagawang imbestigasyon, lumalabas na dakong alas-2 ng madaling araw, nakarinig umano ng putok ng baril ang mga kapitbahay ng biktima mula sa loob ng kanyang bahay. Hindi nila ito pinansin, ngunit pagsapit ng alas-6 ng umaga, napansin nilang bukas ang pinto ng bahay ni Cabanban—bagay na ikinabahala nila dahil madalas umano itong nakasara.
Nang usisain ng mga kapitbahay, tumambad sa kanila ang duguang bangkay ng biktima na nakahandusay sa kama at may tama ng bala sa ulo.
Kinondena ng Department of Transportation (DOTr) sa pangunguna ni Secretary Vince B. Dizon ang brutal na pagpatay sa kanilang enforcer. Ayon kay Dizon, iniutos na rin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa DOTr na makipag-ugnayan sa mga awtoridad upang tiyakin na mabibigyan ng hustisya ang pagkamatay ni Cabanban at mahuli ang salarin sa lalong madaling panahon. (KOI HIPOLITO / ERICHH ABRENICA
