BATAC, ILOCOS NORTE – Isang makabagbag-damdaming pagbabalik ang ginawa ni First Lady Liza Araneta-Marcos sa Mariano Marcos State University (MMSU) nitong weekend bilang panauhing pandangal at tagapagsalita sa ika-47 na Pagtatapos ng Unibersidad.
Mula 2018 hanggang 2020, nagturo ng batas si Araneta-Marcos sa MMSU at naging Assistant Dean ng College of Law ng unibersidad.
Sa harap ng 3,243 bagong graduates, nagbigay ng inspirasyonal na mensahe ang Unang Ginang, kung saan ipinahayag niya ang buong tiwala na magiging matagumpay ang mga nagsipagtapos.
“Napakasarap sa pakiramdam na muling bumalik sa MMSU—ngayong pagkakataon, hindi na bilang guro, kundi bilang inyong commencement speaker. Napakasayang masaksihan ang inyong mga pangarap na unti-unti nang lumilipad. Kayo ang kinabukasan, at naniniwala akong magagawa ninyo ang mga kamangha-manghang bagay,” ani Araneta-Marcos.
Hinimok din niya ang mga graduates na gamitin ang kanilang natutunan upang tumulong sa mga Pilipinong higit na nangangailangan, lalo na sa mga liblib at underserved na komunidad.
“Ang pagtatapos ninyo ay simula pa lamang. Huwag mahihiyang humingi ng tulong o payo mula sa mas may karanasan. Walang masama roon. Kailangan kayo ng inyong komunidad—ang mga barangay, mga magsasaka, mga coastal roads, mga lungsod. Kailangan nila ng mga taong may pangarap at aksyon. Kahit maliit na kabutihan, kayang magdala ng pagbabago,” dagdag niya.
Bilang pagkilala sa kanyang serbisyo at kontribusyon sa edukasyon, batas, kultura, at adbokasiya para sa mga kanayunan, ginawaran si Araneta-Marcos ng Honorary Doctorate Degree mula sa MMSU.
