SA kulungan ang bagsak ng isang hinihinalang tulak ng iligal na droga nang bintahan umano ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer sa Valenzuela City.
Mahaharap sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang suspek na si alyas “Toyo”, 36, ng Brgy. Mabolo
Sa kanyang report kay NPD Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, sinabi ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento na alas-5:50 ng umaga nang maaresto ang suspek ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa San Francisco Del Monte St., Corner D. Santiago St., Brgy. Malanday.
Ayon kay Lt. Dascil, nakumpiska kay ‘Toyo’ ang nasa limang gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P34,000, buy bust money na isang tunay na P500 bill, kasama ang isang P1000 boodle money at P200 cash.
Bago ang pagkakaaresto sa suspek, positibo ang natanggap na impormasyon ng mga operatiba SDEU hinggil sa umano’y pagbebenta niya ng shabu kaya agad bumuo ng team si P/Lt. Sherwin Dascil bago ikinasa ang buy bust operation laban kay ‘Toyo’, sa koordinasyon sa PDEA.
Matapos umanong tanggapin ng suspek ang marked money mula sa pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu ay agad siyang dinamba ng mga tauhan ni Lt. Dascil. (JUVY LUCERO)
