May 18, 2024

Truck helper pinagtulungan bugbugin sa Malabon

BUGBOG sarado ang sinapit ng isang truck helper matapos pagtulungan gulpihin ng apat na kalalakihan sa Malabon City, kamakalawa ng madaling araw.


Nakaratay sa Tondo Medical Center sanhi ng tinamong mga bugbog sa katawan ang biktimang si Elvin Dalumpines, 43 ng Sanciangco St., Brgy. Catmon.


Patuloy naman ang follow up operation ng pulisya laban sa suspek na si alyas “Ariel”, residente din sa nasabing lugar at sa tatlong hindi kilalang kasama nito.


Sa imbestigasyon nina PSSg Mardelio Osting at PSSg Jeric Tindugan, bibili ang biktima ng sigarilyo sa Sanciangco St., at pagsapit niya sa harap ng Esclitos Gen. Merchandise, Brgy., Catmon ay kinumpronta siya ng mga suspek na nag-iinuman dakong alas-12:00 ng hating gabi.


Sa hindi malaman na dahilan, bigla na lamang pinagtulungan bugbugulin ng mga suspek ang biktima at nang makita naman ng saksing si Jeremy Lugpit, 32, ang pangyayari ay tinangka nitong awatin ang mga salarin.


Gayunman, nagpatuloy pa rin ang mga suspek sa pambubugbog sa biktima at nang bumagsak na ito ay saka palang siya tinantanan ng mga salarin na mabilis na nagsitakas habang isinugod naman ng saksi si Dalumpines sa TMC. (JUVY LUCERO)