
TODAS ang isang babaeng traffic enforcer na tumulong sa paghahatid sa ospital ng isang pasyente matapos umanong mapagod sa pagtulak sa tumirik na e-trike sa Malabon City, Biyernes ng hapon.
Ayon kay Ret. Col. Rey Medina, Jr. hepe ng Malabon City Public Safety and Traffic Management Office (PSTMO), nagsasa-ayos ng daloy ng trapiko sa kanto ng Leoño Street at Rizal Avenue, Brgy. Tanong Poblacion si T/E Janet Respicio, 48, residente ng Bayan-bayanan, nang humingi sa kanya ng tulong ang e-trike driver na maghahatid ng pasyente sa Ospital ng Malabon.(Osmal) dakong alas-3:10 ng hapon para makakuha ng ambulansiya makaraaang tumirik umano ang e-trike matapos ma-lobat.
Dahil matatagalan pa ang pagdating ng ambulansiya, nagpasiya ang biktima na itulak ang e-trike patungong Osmal sa F. Sevilla St. sa likod ng Malabon City Hall subalit nang malapit na sa naturang pagamutan, napansin ng isa pang traffic enforcer sa lugar na si T/F Evelyn Encenarial ang paninikip ng dibdib ng biktima at dumadaing na nahihirapang huminga.
Kaagad silang kumuha ng wheelchair sa pagamutan at isinakay ang biktima subalit napansin na nila na naninigas at naihi na suot na uniporme ang traffic enforcer hanggang bawian ng buhay sa emergency room ng naturang ospital.
Sinabi ni Col. Medina na irerekomenda niya kay Mayor Jeannie Sandoval na mabigyan ng posthumous commendation ang nasawing traffic enforcer dahil sa ipinakitang pagmamalasakit hindi lang sa kanyang trabaho kundi sa serbisyo sa kapuwa.