
Hindi lang materyales kundi diwang Pilipino ang isinusuot sa bawat pares ng sapatos na likha ng mga lokal na designer mula sa Pilipinas. Sa prestihiyosong 2025 International Footwear Design Competition (IFDC) na ginanap sa Guangzhou, China, anim na Pilipinong shoe designer ang kinilala matapos magwagi sa iba’t ibang kategorya.
Para sa kanila, higit pa sa lokal na habi at hibla ang tunay na tatak-Pinoy — ito ang mga kwento, alaala, at kulturang isinasabuhay sa bawat disenyo, kasabay ng layuning buhayin at baguhin ang industriya ng sapatos sa bansa.
Isa sa mga nagsilbing gabay ng mga nanalo ay si Unyx Sta. Ana, pangulo at tagapagtatag ng Marikina-based shoe manufacturer na Zapateria, isang limang henerasyong negosyo sa paggawa ng sapatos.
“Hindi na tayo bago sa ganitong kompetisyon. Pero nakakatuwang makitang nananatiling world-class ang kalidad ng ating paggawa at lalong higit, ang lalim ng ating mga konsepto sa disenyo,” ani Sta. Ana.
Ang lahat ng panalong sapatos ay gawa sa Marikina, kilala bilang Shoe Capital of the Philippines, na may mahabang kasaysayan sa paggawa ng dekalidad na sapatos.
Wagi ng unang pwesto sa Enterprise Category ang Aranya ni Ely Edullan, may-ari ng Ely Knows Enterprises. Hango ang disenyo sa makukulay na kiping ng Pahiyas Festival sa Lucban, Quezon — pagdiriwang para kay San Isidro Labrador, patron ng mga magsasaka.
“Nais kong ipakita ang saya at pag-asa sa kabila ng mga pagsubok natin bilang Pilipino. Pero higit sa lahat, gusto kong bigyang-pugay ang ating mga magsasaka,” saad ni Edullan.
Ang pangalang Aranya ay mula sa Sanskrit na nangangahulugang gubat o masaganang lugar, sagisag ng kasaganahan na nais niyang iparating.
“Nakakatuwa po, kasi sa competition, parang naging crowd favorite si Aranya. Lahat ng dumadaan gusto magpa-picture, pati mga judge,” dagdag niya.
Bata pa lang, nahubog na si Edullan sa mundo ng sapatos sa negosyo ng kanyang amang tagakumpuni ng makina. Sa edad na 16, natutunan niyang gawing tsinelas ang mga tirang leather. Mula sa limang manggagawa, lumago ang kanyang team sa 20, kabilang ang matatanda at mga may kapansanan.
Noong pandemya, nagbenta siya online upang mapanatili ang kabuhayan ng kanyang mga empleyado — tinawag niyang “mga ka-leather” ang kanyang mga customer.
Wagi namang first runner-up sa Enterprise Category ang Perro’s Freedom ni Bon Marter, sa pakikipagtulungan sa manufacturer na Loritess. Ang disenyo ay komentaryo sa kalagayan ng mga asong gala at hayop sa shelter — isang temang malapit sa puso ni Marter.
Sa midsole ng sapatos, nakaukit ang mga pangalan ng 13 alagang pusa ni Marter, pati na rin ang mga alaga ng buong production team ng Perro — mula sapatero hanggang heel makers.
Ayon kay Marter, lumaki siyang nangangarap magkaroon ng magandang sapatos gaya ng sa kanyang mga kaklase, na ang mga magulang ay mga sapatero rin sa Marikina.
“Yung nanay ko, palaging bumibili ng mas malaking sapatos para magamit ko pa sa susunod na taon,” kuwento niya.
Ngayon, binubuo niya ang komersyal na bersyon ng Perro’s Freedom, at planong i-donate ang lahat ng kikitain sa Philippine Animal Welfare Society (PAWS) at iba pang grupong tumutulong sa mga hayop.
Sa bawat tahi at tapak, dala ng mga bagong henerasyong shoemaker ang puso ng pagka-Pilipino — malikhaing, makabayan, at mapagmalasakit. Sa kanilang tagumpay, muling umangat ang yapak ng Marikina sa mundo.