
Isinusulong ni Marikina City First District Representative Marcelino “Marcy” Teodoro ang pagtatayo ng makabagong mga pampublikong paaralan na may digital na pasilidad para tiyaking makasabay ang bawat batang Pilipino sa makabagong panahon—anuman ang kanilang kalagayan sa buhay.
Noong Hulyo 2, inihain ni Cong. Teodoro ang House Bill No. 1255 o ang panukalang lumikha ng Public Schools of the Future in Technology o PSOFT. Layunin ng naturang panukala na tuldukan ang digital divide sa edukasyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng laptop, internet access, at smart classrooms sa mga estudyanteng matagal nang kapos sa ganitong pasilidad.
“Hindi dahil sa kulang ang talino o sipag ng mga bata kaya sila nahuhuli. Kadalasan, dahil lang sa kakulangan sa access sa teknolohiya,” ani Teodoro sa paliwanag ng kanyang panukala.
Sa ilalim ng PSOFT bill, bawat estudyante ay bibigyan ng sariling laptop, may access sa internet, at tuturuan sa mga digital classrooms na may interactive boards at modernong learning tools.
Giit ni Teodoro, kailangang maging pantay ang laban ng mga mag-aaral sa Pilipinas sa kanilang mga kaedad sa ibang panig ng mundo. Malaki rin umano ang maitutulong nito sa mga batang nasa conflict areas, liblib na lugar, o may kapansanan.
“Ang digital na teknolohiya ay hindi lang makabago—ito rin ay susi sa pagbibigay ng pantay na oportunidad sa edukasyon para sa lahat,” dagdag pa niya.
Ang PSOFT bill ay nakahanay sa adbokasiya ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na gawing ganap na digitalisado ang Pilipinas. Ayon kay Teodoro, ang kanyang panukala ay suporta sa panawagan ng Pangulo para sa mas malawak na digital access at paghahanda ng kabataan sa digital na kinabukasan. “Sa PSOFT, hindi lang natin pinapaganda ang eskwelahan—binibigyan natin ng patas na laban ang bawat batang Pilipino,” pagtatapos ni Teodoro.