
TINATAYANG mahigit P1.3 milyong halaga ng shabu ang nasabat sa dalawang tulak ng droga na itinuturing bilan high-value targets (HVI) nang matiklo ng pulisya sa buy bust operation sa Caloocan City, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni Caloocan Police OIC chief P/Col. Joey Goforth ang naarestong mga suspek na sina alyas “Amo,” 42, at 19-anyos na kelot na kanyang kasabwat, kapwa residente ng Brgy. 188.
Sa kanyang report kay Northern Police District (NPD) Acting District Director P/BGen. Arnold Abad, sinabi ni Col. Goforth na dakong alas-5:47 ng hapon nang maaresto ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang mga suspek sa Brgy. 188, Tala ng lungsod.
Nauna rito, nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng SDEU hinggil sa pagputok umano’ ng pangalan ni alyas Amo sa pagbebenta ng shabu sa area ng Caloocan North kaya agad nakipag-ugnayan ang mga tauhan ni Col. Goforth sa PDEA bago ikinasa ang buy bust operation na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek.
Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 205 grams ng hinihinalanh shabu na may estimated standard drug price na P1,394,000, buy bust money na binubuo ng isang tunay na P500 bill at apat na P1,000 boodle money.
Ayon kay Col. Goforth, sasampahan nila ang mga suspek ng kasong paglabag sa Sections 5, 11, at 26, Article II under ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa Caloocan City Prosecutor’s Office. Pinuri naman ni Gen. Abad, ang Caloocan City Police Station para sa kanilang pagsisikap at hindi natitinag na pangako sa paglaban sa ilegal na droga.