SWAK sa kulungan ang 25-anyos na welder na akusado sa panggagahasa sa isang menor-de-edad niyang biktima matapos maaresto ng pulisya manhunt operation sa Malabon City.
Sa ulat, ikinasa ng mga tauhan ni Malabon police chief P/Col. Allan Umipig ang operasyon nang matanggap ang impormasyon mula sa kanilang impormante ang kinaroroonan ng akusadong si alyas “Rimond” na nasa Top 7 Most Wanted ng Northern Police District (NPD).
Dakong alas-4:00 ng hapon nang tuluyang masukol si alyas Rimond ng tumutugis na mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section ng Malabon police sa Gov. Pascual Avenue, Brgy. Catmon.
Hindi naman umano pumalag ang akusado nang isilbi sa kanya ng pulisya ang warrant of arrest na inilabas ng Malabon Regional Trial Court (RTC) Branch 73, kaugnay sa kasong statutory rape na walang inirekomendang piyansa para sa pansamantalang paglaya.
Pansamantalang nakapiit ang akusado sa custodial facility ng Malabon Police Station habang hinihintay ang commitment order na ilalabas ng husgado para sa paglilipat sa kanya sa Malabon City Jail.
Pinuri naman ni Northern Police District (NPD) Acting District Director P/BGen. Jerry Protacio ang arresting team sa kanilang pagsisikap na hantingin ang mga wanted na kriminal para mabigyan ng hustisya ang mga biktima. (JUVY LUCERO)
