BAGSAK sa kamay ng mga awtoridad ang isang fixer matapos mahuli sa ikinasang joint entrapment operation ng Land Transportation Office (LTO) Cabuyao District Office at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)–Laguna PFU sa Biñan City, Laguna.
Ayon sa imbestigasyon, nasakote ang suspek matapos tanggapin ang marked money kapalit ng umano’y mabilisang pagproseso ng renewal ng rehistro ng sasakyan. Isinagawa ang operasyon mismo sa LTO Cabuyao/Biñan District Office sa Areza Compound, Brgy. Canlalay, Biñan, kung saan nagpanggap na kliyente ang undercover cops.
Narekober mula sa suspek ang marked money at iba pang ebidensya. Nahaharap ito sa kasong paglabag sa RA 11032 o Ease of Doing Business Act, at Usurpation of Official Functions sa ilalim ng Article 177 ng Revised Penal Code.
Mariing babala ni LTO Calabarzon Regional Director Elmer J. Decena:
“Walang puwang ang fixer at katiwalian sa aming opisina. Para sa publiko, huwag makipagsabwatan sa fixer at dumaan lamang sa legal na proseso ng LTO.”
Patuloy ang kampanya ng LTO laban sa mga fixer bilang bahagi ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., DOTr Secretary Vince Dizon, at LTO Asec. Vigor Mendoza II upang masupil ang korapsyon at maprotektahan ang publiko. (ERICHH ABRENICA)
