Ang suspek matapos maaresto sa NAIA Terminal 3 dahil sa illegal na droga. (ARSENIO TAN)
ARESTADO sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 ang isang South African national matapos mahulihan ng tinatayang 7,005 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng ₱47.6 milyon.
Dumating ang suspek mula Hong Kong noong Agosto 16 at agad na hinarang ng mga awtoridad matapos makita sa x-ray screening ang kahina-hinalang laman ng kanyang bagahe. Nang isailalim sa K9 paneling, nakumpirma ang presensya ng ilegal na droga.
Ayon kay PBGEN Jay Reyes Cumigad, direktor ng PNP Aviation Security Group (AVSEGROUP):
“Bawat tangka ng drug smuggling ay isang atake sa ating mga komunidad. Sa pagpigil sa ₱47.6-M drug haul na ito, nailigtas natin ang maraming pamilyang Pilipino.”
Isinagawa ang operasyon ng PNP-AVSEGROUP katuwang ang NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (IADITG) at iba pang ahensya ng pamahalaan.
Matapos ang pagkakadiskubre ng shabu, agad inaresto ang pasahero, binigyan ng kanyang constitutional rights, at isinailalim sa inventory at dokumentasyon sa harap ng mandatory witnesses.
Nasa kustodiya na ngayon ng NAIA-IADITG ang suspek at mga nakumpiskang ebidensya para sa kaukulang disposisyon. (ARSENIO TAN)
