Ang Indian national na naaresto ng BI-FSU. (ARSENIO TAN)
NAARESTO ng mga tauhan ng Bureau of Immigration-Fugitive Search Unit (BI-FSU) ang isang Indian national na matagal nang wanted ng Interpol sa kasong pamemeke ng company documents sa Qatar.
Kinilala ni BI-FSU chief Rendel Ryan Sy ang suspek na si Narayan Murlidhar Nathani, 48, na nahuli sa isang operasyon nitong Huwebes sa Tondaligan Road, Brgy. Bonoan Geset, Dagupan City.
Batay sa impormasyon mula sa Interpol, si Nathani ay may standing warrant of arrest na inilabas ng Misdemeanor Court of Doha noong Nobyembre 2014 dahil sa paggamit ng forged purchase order bills, paglabag sa Penal Code ng Qatar. Ikinonekta rin siya sa iba pang syndicated scams sa ibang bansa.
Ayon sa mga ulat, pineke umano ng suspek ang purchase order bills ng isang kumpanyang Qatari at nakakuha ng mga produkto nang hindi nagbabayad.
Natuklasan din sa rekord ng BI na dumating siya sa Pilipinas bilang turista noong 2016 ngunit hindi na in-extend ang kanyang visa mula noon.
Matapos ang pagkakaaresto, agad na dinala si Nathani sa pasilidad ng BI sa Taguig kung saan siya mananatili habang isinasagawa ang deportation proceedings laban sa kanya. (ARSENIO TAN)
