Naitabla ng TNT Tropang Giga ang serye sa PBA 50th Season Commissioner’s Cup finals matapos maligtasan ang matinding hirit ng Barangay Ginebra, 101-94, sa Game 2 nitong Biyernes ng gabi sa Smart-Araneta Coliseum.
Nanguna sa ratsada ng Tropang Giga si Calvin Oftana na nagrehistro ng makalaglag-pusong 31 puntos. Si Oftana rin ang sumalba sa matikas na simula ng TNT matapos magpasok ng dalawang krusyal na free throws sa huling 18.7 segundo ng laro upang tuluyang takasan ang humahabol na Gin Kings.
BASAHIN: Bol Bol, laglag sa Best Import race
Naging mailap ang tagumpay para sa TNT nang biglang matunaw ang kanilang bentahe na umabot pa sa 21 puntos. Mula sa kumportableng abante, biglang dapa ang kalamangan ng Tropang Giga sa apat na puntos na lamang, 98-94.
Gayunman, ang mga selyadong free throws ni Oftana ang muling nag-angat sa bentahe ng TNT sa anim na puntos.
Sumablay naman ang tangkang four-point shot ng import ng Ginebra na si Justin Brownlee sa sumunod na play, habang binuo ni Chris McCullough ang panalo para sa TNT matapos i-split ang kanyang dalawang free throws.
Dahil sa panalong ito, matagumpay na naligtasan ng TNT ang pinangunahang comeback ni RJ Abarrientos para sa Ginebra upang i-lock ang serye sa 1-1 bitaw. (RON TOLENTINO)
