Naglabas ng warrant of arrest ang Malolos City Regional Trial Court (RTC) laban sa kontrobersiyal na kontraktor na si Curlee Discaya at 10 iba pang kapwa-akusado kaugnay ng kasong malversation na nag-ugat sa anomalya at korapsiyon sa mga flood control project sa lalawigan.
Ipinag-utos ni Malolos City RTC Branch 20 Presiding Judge Mirasol Dychingco ang pag-aresto kay Discaya at sa kanyang mga kapwa-akusado na sina Merg Jaron Laus, Brice Hernandez, Jaypee Mendoza, Ernesto Galang, Norberto Santos, Lorenzo Pagtalunan, Juanito Mendoza, Floralyn Simbulan, Roma Angeline Rimando, at Cezarah Rowena Discaya.
Dahil ang kasong malversation ay itinuturing na non-bailable o walang kaukulang piyansa, agad na ikukulong ang mga akusado na hindi pa nadarakip ng mga awtoridad.
Napag-alaman na ang ilan sa mga sangkot ay kasalukuyan nang nakadetine dahil sa iba pang mga hiwalay na kaso na may kaugnayan pa rin sa flood control, kabilang ang asawa ni Discaya na si Sarah, kasama sina Hernandez at Mendoza.
BASAHIN: Curlee Discaya ooperahan
Nagsimula ang paghahain ng kaso ng Office of the Ombudsman matapos madiskubre ng mga imbestigador nito na inilabas ang pondo para sa isang P53.9-million flood control project sa bayan ng Calumpit, Bulacan, sa kabila ng kawalan ng aprubadong disbursement voucher.
Bukod dito, natuklasan din ng Ombudsman na binayaran ng gobyerno ang kumpanya ng mga Discaya—ang St. Timothy Construction Corporation—para sa mga aktibidad ng dredging (paghuhukay) at embankment nang walang anumang basehan para sa kompyutasyon o sapat na dokumentasyon ng proyekto.
Kasalukuyang nakaditine si Discaya sa pasilidad ng Senado matapos siyang patawan ng contempt noong nakaraang taon (2025).
Ayon kay Interior Secretary Juanito Victor “Jonvic” Remulla, nakahanda na ang Philippine National Police (PNP) upang isilbi ang warrant at arestuhin si Discaya direkta mula sa loob ng Senado. Mula sa kapulungan, dideretso ang mga awtoridad sa Camp Crame upang iproseso ang kontraktor.
Isasailalim si Discaya sa karaniwang booking process sa punong-himpilan ng PNP, kabilang ang medical check-up, pagkuha ng thumbmarks, at pagkuha ng mugshot. Matapos maging opisyal ang pag-aresto, pormal siyang ihaharap sa korte para sa return of warrant.
