Shocking na krimen ang nasaksihan online matapos barilin sa ulo ang isang 23-anyos na babae habang ito ay naka-Live streaming sa gitna ng kanyang pagtitinda sa Brgy. Sta. Ana, Taytay, nitong Huwebes ng gabi, January 16.
Ang biktima, na kinilalang si alyas “Paloma”, ay kasalukuyan pang nakikipaglaban para sa kanyang buhay sa ospital habang tinutugis na ng mga awtoridad ang suspek na si alyas “Freddie”, 31-anyos, residente ng Angono, Rizal.
Ayon sa imbestigasyon ng Taytay Municipal Police Station (MPS), naganap ang insidente bandang alas-7:30 ng gabi sa Kenneth Road, Purok 4.
Habang abala ang biktima sa pagtitinda sa isang tindahan ng gulay at kasabay nito ay ang kanyang pag-Live, nang biglang lumapit ang suspek mula sa likuran ng biktima.
Walang sabi-sabing binaril ng suspek ang dalaga nang malapitan sa bahagi ng ulo.
Matapos ang pamamaril, mabilis na tumakas ang suspek na naglakad lamang patungo sa direksyon ng Lupang Arenda.
Nakatanggap ng ulat ang Duty Desk Officer mula sa isang concerned citizen bandang alas-9:30 ng gabi. Isinugod naman agad ng mga kamag-anak ang biktima sa Pasig City General Hospital para sa agarang gamutan.
“Inaalam pa natin ang eksaktong motibo sa krimen, lalo na’t narekober ang impormasyon na naka-broadcast ang biktima nang mangyari ang pamamaril,” ayon sa paunang ulat ng Taytay MPS.
Nahaharap sa kasong Frustrated Murder ang suspek na si alyas Freddie, habang nagpapatuloy ang manhunt operation ng kapulisan para sa kanyang ikadarakip. (ARNOLD PAJARON JR)
