Isinusulong ni Senator Win Gatchalian ang pagbuwag sa Optical Media Board (OMB) dahil sa paniniwalang hindi na ito angkop o “relevant” sa kasalukuyang digital age.
Sa inihain niyang Senate Bill No. 1654, binigyang-diin ng Tagapangulo ng Senate Committee on Finance na ang pokus ng OMB sa mga CD at DVD ay lipas na sa panahon.
Ayon kay Gatchalian, ang OMB ay dinesenyo para sa ekonomiyang nakadepende sa mga disc, kaya hindi na ito ang tamang ahensya para harapin ang mga hamon ng modernong teknolohiya.
“Sa halip na panatilihin ang isang ahensyang ang mandato ay hindi na umaayon sa kasalukuyang panahon, mas mainam nang maglaan ng pondo sa mga ahensyang may kakayahang tumugon sa mga hamon ng makabagong teknolohiya at ng digital na ekonomiya,” pahayag ng senador.
Dagdag pa niya, ang hakbang na ito ay magreresulta sa mas episyenteng paggamit ng pondo ng gobyerno.
Sa ilalim ng panukalang batas, ang mga kapangyarihan, tungkulin, at kagamitan ng OMB ay ililipat sa Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPHL).
Layunin nito na i-streamline ang pagpapatupad ng Intellectual Property (IP) laws, ituon ang atensyon sa pagpuksa ng digital piracy at palakasin ang pagpapatupad ng batas gamit ang kasalukuyang awtoridad ng IPOPHL.
Tiniyak din sa panukala na ang mga empleyado ng Secretariat ng mabubuwag na OMB ay masisipsip (absorb) ng IPOPHL nang walang mababawas sa kanilang mga suweldo at iba pang benepisyo. (MINA PADERNA)
