Labinlimang (15) malalaking kompanya ng kuryente ang nagpahayag ng interes na lumahok sa Competitive Selection Process (CSP) para sa 200-megawatt (MW) renewable energy (RE) baseload supply ng Manila Electric Company (Meralco).
Ang mga naturang kompanya ay dumalo sa ginanap na Pre-Bid Conference nitong Enero 15, 2026, matapos magsumite ng kanilang Expressions of Interest.
Kabilang sa mga kalahok ang ACEN Corporation, AP Renewable Energy Corporation, Bac-Man Geothermal Inc., Energy Development Corporation, First Gen Hydro Power Corporation, GNPower Kauswagan Ltd. Co., GNPower Mariveles Energy Center Ltd. Co., Green Core Geothermal Inc., Mariveles Power Generation Corporation, Negros Island Solar Power Inc., SanMar Solar Inc., Sinocalan Solar Power Corporation, Sual Power Inc., Therma Luzon Inc. at Therma Visayas Inc.
Ayon kay Lawrence S. Fernandez, Chairman ng Meralco Bids and Awards Committee, ang dagsa ng interes mula sa mga power generators ay patunay na epektibo ang CSP para makakuha ng sapat at pinakamurang supply ng kuryente para sa mga konsyumer.
“Inaasahan namin ang pagtanggap ng kanilang mga alok sa Bid Submission Deadline na nakatakda sa Pebrero 16,” pahayag ni Fernandez.
Ang Power Supply Agreement (PSA) na magmumula sa bidding na ito ay layong tugunan ang 200 MW baseload requirement ng Meralco bilang pagsunod sa Renewable Portfolio Standards. Inaasahang magsisimula ang supply sa Enero 26, 2026, sa oras na maaprubahan ng Energy Regulatory Commission (ERC).
Ang hakbang na ito ay bahagi ng taunang Power Supply Procurement Plan ng Meralco na aprubado ng Department of Energy (DOE), na naglalayong maging bukas at transparent ang pagbili ng kuryente alinsunod sa mga panuntunan ng gobyerno. (Mina Paderna)
