MATAPOS mag-viral sa social media ang ginawang pagpapaharurot ng minamanehong 10-wheeler trailer truck sa maliit na kalsada, kusang isinuko sa pulisya ng may-ari ng trucking company ang kanilang driver sa Valenzuela City.
Sa ulat, nangyari ang insidente noong Huwebes ng gabi, Enero 15, sa Sapang Bakaw St. Lawang Bato na naglagay sa panganib sa buhay ng mga pedestrians at tatlong motocycle riders na muntik ng masagi.
Matapos makarating kay Mayor Wes Gatchalian ang pangyayari, agad niyang inatasan si P/ Col. Joseph Talento, hepe ng Valenzuela police na hanapin ang driver ng trailer truck.
Paliwanag ng driver na si alyas “Nelson”, 41, kay Mayor Gatchalian na nais umano niyang makauwi agad dahil may sakit ang kanyang asawa, na hindi tinanggap ng alkalde dahil inilagay naman niya sa panganib ang buhay ng mga indibiduwal sa dinaanang makitid na kalye.
Sinabi ni Mayor Wes na nakipag-ugnayan na sila sa Land Transportation Office (LTO) na kaagad naglabas ng Show Cause Order para isuko ng driver ang kanyang lisensiya matapos patawan ng 90-araw na suspensiyon, habang inilagay na rin sa alarm status ang trailer truck.
Iniutos din ng alkalde ang pansamantalang pagsasara at suspensiyon ng operasyon ng Royal King Trucking Services Inc. na employer ng driver matapos kumpirmahin ng Bureau of Permit and Licensing Office (BPLO) na walang business permit ang kompanya.
Nanawagan din si Mayor Wes sa tatlong rider na magsampa ng kaso laban sa driver at bahala aniya ang lokal na pamahalaan na sagutin ang legal na tulong habang inalok naman ang kompanya na isailalim ang lahat ng kanilang empleyado ng drug testing na sasagutin din ng pamahalaang lungsod.
