May 11, 2024

Taxi driver patay sa pamamaril sa Malabon

DEDBOL ang isang taxi driver matapos pagbabarilin ng isa sa dalawang hindi kilalang suspek habang nakaupo sa isang tindahan sa Malabon City, Lunes ng madaling araw.

Nalaugtan ng hininga sa pinangyarihan ng insidente ang biktimang si Teodulo Remolano, Jr., 55, biyudo at residente ng Sitio 6, Barangay Catmon.

Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Malabon police chief P/Col. Amante Daro, nakaupo at nakikipag-usap ang biktima sa sidewalk vendor na si Emelita Degacia sa kanto ng RLN Centre Gov. Pascual Avenue at M.H. Del Pilar St. sa Brgy. Tinajeros, nang mula sa kanyang likuran ay lumapit ang dalawang hindi kilalang salarin dakong ala-1:45 ng umaga.

Isa sa mga suspek ang bumunot ng baril at malapitang pinaputukan ng dalawang ulit sa ulo ang biktima na nagresulta ng agaran niyang kamatayan habang naglakad lang na tumakas ang mga salarin na kapuwa nakausot ng itim na jacket matapos ang insidente.

Nakuha naman ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa pinangyarihan ng insidente ang dalawang basyo ng bala at dalawang depormadong bala ng kalibre .45 pistola na dadalhin sa PNP Crime Laboratory upang isailalim sa ballistic examination.

Nakikipag-ugnayan na rin sina P/SSgt. Mardelio Osting at P/SSgt. Diego Ngippol sa mga opisyal ng barangay na nakakasakop sa lugar upang makakuha ng kopya ng kuha ng nakakabit nilang CCTV camera na maaring makatulong sa pagtukoy sa pagkakakilanlan sa mga suspek