May 12, 2024

4 huli sa aktong bumabatak sa Navotas

SHOOT sa kulungan ang apat na hinihinalang drug personalities matapos mahuli sa akto ng mga pulis na sumisinghot umano ng shabu sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Navotas police chief P/Col. Dexter Ollaging ang naarestong mga suspek bilang si Emilio Dela Cruz Jr, 29, mangingisda, Jay R Feliciano alyas “Tuklaw”, 36, mangingisda, Danilo Morales, 24, mangingisda at Shaira Dequiña alyas “Aira”, 22, pawang residente ng lungsod.

Ayon kay Col. Ollaging, nagsagawa ng buy bust operation ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PLt Luis Rufo Jr at habang nagsasagawa sila ng physical drug inventory sa Judge Roldan St. Brgy. San Roque dakong alas-11:40 ng gabi nang makita nila si Dela Cruz na may hawak na aluminium foil at disposable lighter.

Nang mapansin ni Dela Cruz ang mga operatiba ay kumaripas ito ng takbo papasok sa isang bahay na naging dahilan upang habulin siya ng mga operatiba at nang pamasok sila sa nasabing bahay naaktuhan ng mga operatiba si Feliciano, Morales at Aira na sumisinghot umano ng shabu na naging dahilan upang arestuhin sila.

Nakumpiska ng mga operatiba sa mga suspek ang pitong heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng abot 1 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price P6,800, digital weighing scale, gunting, box plastic container, P780 recovered money at mga drug parapherlias.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.