KINUMPIRMA ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) nitong Miyerkules, Oktubre 29, na tatlong eroplano na konektado umano kay dating Ako Bicol Representative Zaldy Co ay wala na sa bansa.
Batay sa ulat ng CAAP, dalawang AgustaWestland helicopters ang lumipad patungong Kota Kinabalu, Malaysia noong Agosto 20 at Setyembre 11, habang ang isang Gulfstream aircraft ay nasa Singapore na mula pa noong Agosto 16.
Ayon sa CAAP, patuloy nilang minomonitor ang lahat ng rehistradong air assets sa ilalim ng umiiral na mga regulasyon upang matiyak ang pagsunod sa batas.
Nauna nang humiling ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) na i-freeze ang mga air assets ng Misibis Aviation & Development Corporation at Hi-Tone Construction & Development Corporation, dalawang kumpanyang iniuugnay kay Co.
Batay sa mga rekord ng CAAP, siyam na aircraft na pag-aari ng dalawang kumpanya ang tinatayang nagkakahalaga ng $82.59 milyon o humigit-kumulang P4.8 bilyon.
Ang mga kumpanyang ito ay kapwa nadadamay sa malawakang imbestigasyon sa flood control corruption scandal, kung saan sangkot umano ang mga proyekto ng DPWH na pinopondohan ng bilyon-bilyong piso.
Bagama’t tumangging magbigay ng dagdag na detalye ang CAAP hinggil sa pagkakalabas ng mga eroplano, tiniyak ng ahensya na nakikipag-ugnayan ito sa iba pang law enforcement bodies upang matukoy kung may nilabag na batas o posibleng pagtatago ng mga asset sa labas ng bansa. (MINA PADERNA)
