Ipinag-utos ngayong Lunes ng umaga ni Cainta Mayor Kit Nieto ang pagsasara ng transfer station sa Imelda Avenue matapos dagsain ng reklamo mula sa mga residente sa paligid.
Ayon kay Nieto, agad siyang nakipag-ugnayan sa pribadong hauler ng bayan upang tugunan ang hinaing ng mga tao at simulan ang paglilinis ng mga naiwan pang basura sa lugar.
“Sa kasalukuyan, nililinis na ang mga latak at kalat na naiwan sa paghahakot,” pahayag ng alkalde.
Nanawagan din siya sa publiko na makiisa sa pamamagitan ng tamang segregation ng basura, na aniya’y hindi lamang para sa Cainta kundi para sa buong bansa.
Ibinunyag din ng mayor na may ilang grupo nang nakikipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan upang mag-alok ng waste-to-power gasification machines na makatutulong sa pagbawas ng volume ng basura at makalikha ng enerhiya.
“Tulad ng laban natin kontra baha, gagawa tayo ng tama para sa nakararami,” ani Nieto, sabay pasasalamat sa kooperasyon ng kanyang mga kababayan.
