NILAGDAAN ng Philippine Postal Corporation (PHLPost) at Asian Institute of Management (AIM) ang isang kasunduan upang palakasin ang kakayahan sa pamumuno, isulong ang inobasyon, at pabilisin ang paglago ng ahensya bilang bahagi ng modernisasyon ng postal service.
Pormal na nilagdaan ang Memorandum of Understanding (MOU) sa pagitan ng dalawang institusyon, kung saan binigyang-diin ni Postmaster General at CEO Maximo C. Sta. Maria III, na isa ring AIM alumnus, na mahalaga ang hakbang na ito upang ihanda ang PHLPost sa mas mataas na pamantayan ng serbisyong pampubliko.
“For many years, PHLPost has connected families, supported trade, and served communities nationwide. As the world evolves, so must we,” ani Sta. Maria. “This partnership with AIM is an investment in our people—helping us deliver reliable services, adopt best practices, and transform PHLPost into a future-ready institution.”
Sa ilalim ng kasunduan, sasailalim ang mga manager at executive ng PHLPost sa specialized training, na sisimulan sa Supply Chain Management Program. Layon nitong hubugin ang kanilang kaalaman sa planning, sourcing, inventory management, logistics, at risk management—mga kasanayang mahalaga sa panahon ng digitalization at paglago ng e-commerce.
Ayon kay AIM Business Development Senior Manager Joan Vidal, iniakma ang programa para tugunan ang nagbabagong pangangailangan ng postal service. Dagdag pa niya, bubuksan nito ang daan para sa mas marami pang specialized training na magpapalakas sa kakayahan at kompetitibidad ng PHLPost.
Samantala, binigyang-diin naman ni AIM School of Executive Education and Lifelong Learning Program Head Jose Raphael Ibarra ang mas malawak na epekto ng kolaborasyon.
“We are proud to partner with PHLPost in this journey of modernization. Together, we can empower leaders, strengthen institutions, and create lasting impact through innovation, collaboration, and a shared vision for national development,” aniya.
Bahagi ang inisyatibong ito ng mas malawak na modernization agenda ng PHLPost na nakatuon sa digital transformation, mas mabilis na delivery systems, at mas matatag na employee engagement programs.
Sa pamamagitan ng pamumuhunan sa leadership development, layon ng PHLPost na palakasin ang papel nito bilang pangunahing tagapaghatid ng komunikasyon, kalakalan, at serbisyo sa mga Pilipino. (MINA PADERNA)
