NAGBITIW na sa kanilang mga pwesto sina Ateneo Blue Eagles Head Coach Thomas Anthony “Tab” Baldwin at Team Manager Epok Quimpo nitong Lunes, Hunyo 15.
Ito ay isang linggo matapos ang nakakagulantang na trahedya kung saan nalunod at nasawi ang dalawang manlalaro ng koponan sa isang team-building activity.
Opisyal na tinanggap ng unibersidad ang agarang pagbibitiw ng dalawa, ayon sa pahayag ni Ateneo President Fr. Roberto Yap sa kauna-unahang press conference ng paaralan mula nang mangyari ang insidente.
Ayon kay Yap, kinakailangan ang “pagbabago sa pamunuan” lalo pa’t kasalukuyan nang gumagalaw ang magkakahiwalay na imbestigasyon ng paaralan, Commission on Higher Education (CHED), National Bureau of Investigation (BBI), at Philippine National Police (PNP).
“Dapat nating tingnan ang ating sarili, suriin ang ating mga sistema, at muling itayo ang istruktura ng ating athletic program upang ang ating mga palaruan at courts ay maging lugar kung saan inaalagaan ang mga pangarap, hindi winawasak,” ani Yap.
Nitong Lunes ng umaga, hindi sumipot si Baldwin sa ipinatawag na fact-finding mission ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Camp Crame. Tanging si Ateneo Athletics Director Em Fernandez lamang ang humarap sa mga awtoridad na nagpatawag sa mga opisyal ng koponan at paaralan para sa imbestigasyon.
Nagbitiw si Baldwin sa gitna ng matinding panawagan na siya ay sibakin matapos malunod sa ilalim ng kanyang pangangasiwa sina Rene Baterbonia, 18, at Divine Adili, 21. Naganap ang insidente noong Lunes, Hunyo 8, habang nagsasagawa ng pagsasanay ang koponan sa isang beach resort sa Dipaculao, Aurora.
Noong Biyernes, Hunyo 12, binasag ng American-Kiwi mentor ang kanyang katahimikan sa pamamagitan ng isang walong minutong video message na inilabas sa social media ng paaralan, kung saan humingi ito ng paumanhin at inaming siya ay “nabigo” bilang lider at kaibigan.
BASAHIN: Baldwin sa pagkalunod ng dalawang Ateneo player: ‘I’m sorry’
“Bilang coach, ipinagkatiwala sa amin ang paglago ng mga manlalaro… Ngunit higit sa lahat, ipinagkatiwala sa akin ng mga magulang at pamilya ang kanilang kaligtasan at kapakanan. At dito, naramdaman kong nabigo ako. Humihingi ako ng tawad,” pahayag ni Baldwin sa naturang video.
Hawak ni Baldwin ang basketball program ng Ateneo mula pa noong 2015. Sa ilalim ng kanyang gabay, nasungkit ng Blue Eagles ang apat na kampeonato sa UAAP kabilang ang three-peat mula 2017 hanggang 2019, at isa pa noong 2022. Nagtapos din ang koponan bilang runner-up nang dalawang beses sa kanyang pamumuno, bagama’t hindi pinalad na makapasok sa Final Four sa nakalipas na dalawang season.
Bago pumunta sa Pilipinas, kilalang kampeon si Baldwin sa labas ng bansa kung saan pinamunuan niya ang New Zealand national team (Tall Blacks) sa loob ng limang taon, na naging dahilan upang maihalal siya sa New Zealand Basketball Hall of Fame noong 2023.
Nagsimula ang kanyang karera sa Pilipinas bilang consultant ng TNT sa PBA noong 2014 hanggang 2020. Noong taon ding iyon, itinalaga siya ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) bilang head coach ng Gilas Pilipinas, kung saan binitbit niya ang pambansang koponan sa silver medal sa 2015 FIBA Asia Championship sa China at gold medal sa 2015 SEA Games sa Singapore.
Inaasahan sanang mananatili ang 68-anyos na tactician sa Ateneo hanggang taong 2028 matapos siyang lumagda sa isang tatlong taong contract extension noong Setyembre 2025, na naputol dahil sa naganap na trahedya.
