Nagpatawag ng special session si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ngayong darating na Miyerkules, Hunyo 17, upang mapabilis ang pagpasa sa mga prayoridad na panukalang batas para sa proteksyong panlipunan, edukasyon, kalusugan, at tulong sa mga mahihirap na sektor.
Sa ilalim ng Proklamasyon Blg. 1318 na nilagdaan nitong Lunes, Hunyo 15, inatasan ng Pangulo ang mga mambabatas na agarang aksyunan ang mga sumusunod na panukala:
- Anti-Political Dynasty Bill
- Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS)
- Mga amiyenda sa Universal Access to Quality Tertiary Education Act (Free Tuition Law)
Bukod dito, target din sa special session ang mga batas para sa nutrisyon, pangangalagang pangkalusugan, at mas madaling akses sa edukasyon.
BASAHIN: Villanueva, dadalo sa Senate special session para sa ‘tungkulin sa bayan’
Ayon kay Marcos, may “agarang pangangailangan” na tugunan ang epekto ng mga nakaraang kalamidad tulad ng lindol sa Mindanao, maging ang hamon sa seguridad sa enerhiya dulot ng hidwaan sa Gitnang Silangan.
Una rito, inihayag ni Palace Press Officer Claire Castro na magpapatawag lamang ng special session ang Pangulo kung mareresolba ng Senado ang hidwaan sa pamunuan sa pagitan nina Senate President Pro Tempore Win Gatchalian at Sen. Alan Peter Cayetano.
Inaasahang maghahalal ang Senado ng bagong pinuno sa Miyerkules sa tulong ng bagong mayorya na nagluklok kay Gatchalian bilang concurrent acting Senate President. Kakailanganin ng 13 senador para makapag-halal ng bagong Senate President. Kasalukuyang may 12 mambabatas ang bagong mayorya matapos lumipat si Sen. Chiz Escudero mula sa bloc ni Cayetano — na patuloy na hindi kinikilala si Gatchalian at hindi dumadalo sa mga sesyon.
Nakatakda namang kumpletuhin ni Sen. Joel Villanueva ang kinakailangang bilang matapos niyang ihayag nitong Linggo, Hunyo 14, na dadalo siya sa special session.
Habang patuloy na nagmamatigas si Cayetano na siya pa rin ang Senate President, nag-post naman si Sen. Ping Lacson sa X (dating Twitter) ng isang patama: “Wednesday, June 17 special session: Hopefully, Delulu pa more becomes Delulu no more,” gamit ang internet slang na ang ibig sabihin ay “delusional.”
Mainit namang tinanggap ng mga mambabatas mula sa parehong kapulungan ang kautusan ng Palasyo.
“Walang drama, walang delay, walang dahilan para hindi magtrabaho. Dapat handa tayong magtrabaho at tumulong na isulong ang anumang dapat aksyunan para sa ikabubuti ng publiko,” pahayag ni Senate Majority Leader Migz Zubiri.
Tiniyak naman ni Speaker Bojie Dy na handa na ang Kamara de Representantes para sa special session.
Aniya, nailatag na ng Kamara ang mga pundasyon para sa mga repormang ito at handa silang makipagtulungan sa Senado at Ehekutibo upang maihatid ang makabuluhang benepisyo sa mamamayang Pilipino.
