Akala ng marami ay tuluyan na nating hindi makikita sa volleyball court si Sydney Niegos, ngunit isang hindi inaasahang tawag ang nagpabago sa takbo ng kanyang karera.
Sa gitna ng paghahanda para sa isang corporate job, muling nagbalik ang 25-anyos na opposite hitter sa Capital1 Solar Spikers upang patunayan na may ibubuga pa siya sa professional league.
Bago magsimula ang 2026 PVL All-Filipino Conference, kabilang si Niegos sa mga binitawan ng Capital1 matapos sumailalim ang koponan sa isang major offseason overhaul.
Dahil dito, nagpasya ang dating Jose Rizal University standout na maghanap na lamang ng trabaho sa labas ng sports.
Ayon kay Niegos, natanggap na siya sa isang kumpanya at kasalukuyan nang nasa gitna ng isang seminar nang biglang tumawag si head coach Jorge Souza de Brito upang alukin siyang magbalik sa koponan.
Inamin ni Niegos na hindi siya nagdalawang-isip na tanggapin ang alok dahil bihirang pagkakataon ang tawagan mismo ng isang coach.
Aniya, alam niyang hindi lahat ay nabibigyan ng tsansang makapasok sa pro level kaya agad niyang “grinab” ang oportunidad kahit pa nakapasa na siya sa kanyang pinapasukang trabaho.
Ngunit hindi naging madali ang kanyang pagbabalik-porma. Dahil sa halos isang buwang pagkaka-off sa training, nahirapan si Niegos na makasabay sa bago at mas pinalakas na lineup ng Solar Spikers.
Ikinuwento pa niya na madalas silang magka-initan ng ulo ni Coach Jorge sa training dahil sa kanyang mga pagkakamali, ngunit tinanggap niya ang lahat ng galit at pagdidisiplina ng coach bilang bahagi ng kanyang pag-unlad.
Nagbunga ang lahat ng pagtitiis ni Niegos nitong nakaraang Huwebes nang hirangin siyang Player of the Game matapos magtala ng career-best na 20 puntos sa dikit na five-set win ng Capital1 laban sa Farm Fresh.
Para kay Niegos, ang bawat laro ngayon ay itinuturing niyang “borrowed time” lalo na’t malapit na ring magtapos ang kanyang kasalukuyang kontrata.
Binigyang-diin ng volleybelle na kahit anong mangyari sa hinaharap, baon na niya ang karangalan na nakapag-deliver siya ng magandang laro sa pro level.
Ayon sa kanya, sapat na sa kanyang naranasang mag-career-high at maging player of the game, dahil ito ang mga pangarap na nais niyang matupad mula nang pumasok siya sa mundo ng propesyonal na volleyball.
