Winakasan ng Choco Mucho Flying Titans ang kanilang tatlong sunod-sunod na pagkatalo matapos itakas ang isang mahirap na “comeback victory” laban sa Galeries Tower Highrisers, 26-24, 20-25, 22-25, 25-13, 15-12, sa nagpapatuloy na 2026 PVL All-Filipino Conference nitong Huwebes sa Playtime Filoil Centre sa Pasig City.
Naging sentro ng atensyon ang muling paglalaro ng kanilang pambato na si Eya Laure, na lumiban sa huling dalawang laro ng koponan dahil sa minor leg injury.
Bagama’t nanganayapa sa unang dalawang set, rumesbak si Laure sa mga krusyal na sandali upang tumapos na may 18 puntos at pitong receptions.
Ayon kay Laure, ipinaalala niya sa kanyang mga kasamahan, partikular na kay Sisi Rondina, na huwag sayangin ang pinaghirapan nilang pag-abot sa deciding set at panatilihin ang “hustle” at pagtutulungan hanggang sa dulo.
Nagsimula ang bakbakan sa pamumuno ni team captain Des Cheng na nagpakitang-gilas sa clutch moments ng unang frame. Matapos masayang ang tatlong set points ng Flying Titans, kinuha ni Cheng ang kontrol sa pamamagitan ng isang malakas na attack at isa sa kanyang tatlong aces para makuha ang unang set.
Gayunpaman, mabilis na sumagot ang Galeries Tower sa ikalawa at ikatlong set sa pangunguna nina Erika Deloria at Jean Asis, na nagbaon sa Choco Mucho sa 1-2 set deficit.
Hindi sumuko ang Flying Titans at ipinamalas ang kanilang bagsik sa ika-apat na set kung saan bumitaw sila ng isang dominanteng 19-7 run mula sa 6-all na tabla upang puwersahin ang knockout set. Sa huling bahagi ng laro, bumangon ang Choco Mucho mula sa 5-8 na pagkakahuli sa ikalimang set.
Ang mga krusyal na service errors nina Asis at Deloria ang nagbukas ng pinto para sa Flying Titans, hanggang sa matapos ang laban sa isang anti-climactic na net touch ni Gayle Pascual na nagbigay ng huling puntos sa Choco Mucho.
Namuno sa ratsada ng Flying Titans si Sisi Rondina na nagtala ng impresibong triple-double performance na may 18 puntos, 13 digs, at 11 receptions.
Nakakuha rin siya ng malakas na suporta mula kay Lorraine Pecaña na may 15 puntos, habang nag-ambag naman sina Dindin Santiago-Manabat, Des Cheng, at Kat Tolentino.
Sa panig ng Highrisers, nasayang ang 19 puntos ni Deloria at 15 puntos ni Asis ngayong kapwa na may 2-3 win-loss record ang dalawang koponan sa standing. (RON TOLENTINO)
