Hindi kinuwestiyon ni Gilas Pilipinas head coach Tim Cone ang husay ni Justin Brownlee, sa halip ay binigyang-pugay nito ang naging depensa ng New Zealand matapos malasap ng Pilipinas ang unang talo sa FIBA Basketball World Cup 2027 Asian Qualifiers nitong Huwebes ng gabi.
Sa gitna ng dikit na laban na nagtapos sa 69-66 pabor sa Tall Blacks, naging kapansin-pansin ang limitadong produksyon ni Brownlee na tumapos lamang na may 4 na puntos mula sa matamlay na 2-of-10 shooting.
Ito ang itinuturing na isa sa kanyang pinakamababang puntos sa kasaysayan ng paglalaro sa FIBA, matapos ang kanyang 8-point game laban sa Iraq noong nakaraang taon.
Ayon kay Cone, sadyang pinaghandaan ng New Zealand ang pambato ng Pilipinas upang hindi ito makaporma sa opensa.
“Gumawa ng napakagandang trabaho ang New Zealand sa pag-double team kay Justin at pagkakait sa kanya ng bola. Maraming titingin sa score at sasabihing apat na puntos lang ang nagawa niya, pero diskarte iyon ng New Zealand,” paliwanag ni Cone.
Bagama’t naging aktibo pa rin si Brownlee sa defensive end, inamin ng coach na hindi kailanman naging komportable ang naturalized player sa kanyang opensa sa buong laro.
Sinubukan nina Dwight Ramos at CJ Perez na punan ang pagkukulang sa puntos matapos silang magsanib-pwersa para sa 31 points. Gayunpaman, inamin ni Cone na sa huling bahagi ng laro, hinanap-hanap nila ang mga “clutch baskets” na madalas ay nanggagaling kay Brownlee.
“Kailangan naming may ibang mag-step up. Ginawa iyon nina CJ at Dwight. Pero pagdating sa mga krusyal na sandali at malalaking tira, hindi namin iyon nagawa sa tamang pagkakataon,” dagdag ng veteran coach.
Dahil sa pagkatalong ito, bumaba ang kartada ng Gilas sa 2-1 sa Group A matapos ang kanilang malinis na kampanya laban sa Guam noong unang window. (RON TOLENTINO)
