IDINEKLARA ng Navotas City Disaster Risk Reduction and Management Office (NCDRRMO) na wala nang aktibong apoy sa nasunog na nagsarang Navotas Sanitary Landfill Facility (NSLF).
As of 12:00 ng tanghali ng April 12, 2026, ang sunog ay itinuturing na “controlled” dahil ang landfill ay matatagpuan sa isang isla at hindi kakalat sa kalapit na komunidad.
Gayunpaman, hindi pa ito maaaring ideklarang “fire out,” dahil maaaring may combustion pa sa loob o ilalim ng waste mass na naaapektuhan ng hangin at init ng panahon. Sa katunayan, 5:12PM, nang muli umanong sumiklab ang apoy sa hilagang bahagi ng landfill sa kabila ng mga pagsisikap sa pag-apula ng apoy.
Nagpapatuloy pa rin ang aerial water bucket drop operations ng Philippine Air Force gamit ang dalawang helicopter. Tuloy-tuloy din ang ground suppression operations na pinangungunahan naman ng mga responder mula sa Navotas CDRRMO, Bureau of Fire Protection units mula sa CAMANAVA, LGU Valenzuela, LGU Mandaluyong, Philippine Coast Guard, at PNP-Maritime Group.
Sisimulan na rin ang pagtatambak ng filling materials bilang soil cover para maputol ang supply ng oxygen sa waste mass at tuluyang mahinto ang combustion sa loob ng landfill.
Para naman sa Air Quality Index (AQI), bumuti na ang kalidad ng hangin sa Navotas as of 6 PM. Nasa katamtamang antas (60 AQI mula sa 119 AQI ng tanghali).
Gayunpaman, maaari pa ring ipagpatuloy ng nga Navoteño ang pagsusuot ng face mask at pananatili sa loob ng bahay habang hindi pa tuluyang naaapula ang sunog sa naturang Sanitary Landfill.
Inatasan na rin ni Mayor John Rey Tiangco ang Navotas City Health Office na magpadala ng DRRM-H Team sa Obando National High school para i-assess ang sitwasyon at bigyang-lunas ang evacuees na nangangailangan ng atensyong medikal.
Namigay rin ang NCDRRMO ng CAMPOLAS Plus Kit at mahigit 2,000 face mask na bahagi ng pakikipag-ugnayan ng LGU Navotas sa LGU Obando at iba pang kalapit na lokal na pamahalaan kaugnay ng posibleng epekto ng usok sa kanilang mga residente.
“Makakaasa tayo na ang ginagawang pagkilos ng lokal at nasyonal na pamahalaan katulong ang pribadong sektor ay hindi titigil hangga’t hindi lubusang napapatay ang apoy at maiwasan ang muling pagsiklab nito,” ani Mayor Tiangco. (JUVY LUCERO)
