Nakapagtala ng sunod-sunod na tagumpay ang National Capital Region Police Office o NCRPO sa pinaigting nitong operasyon sa Metro Manila mula Abril 6 hanggang 12, 2026.
Sa kampanya kontra ilegal na droga, 307 katao ang naaresto sa 240 operasyon. Nasamsam ang mahigit 104 milyong pisong halaga ng ilegal na droga, kabilang ang higit 14 na kilo ng shabu at mahigit kalahating kilo ng kush marijuana.
Arestado naman ang 524 na indibidwal sa 238 operasyon laban sa ilegal na sugal, habang mahigit 117 libong piso ang nakumpiskang pera sa pagtaya.
Sa kampanya kontra loose firearms, 38 katao ang naaresto at 38 baril ang nasamsam sa 35 operasyon.
Samantala, 87 Most Wanted Persons at 178 iba pang wanted persons ang naaresto sa pinaigting na manhunt operations ng NCRPO.
Sa datos ng Peace and Order, bumaba ng 3.16 porsyento ang focus crimes, mula 95 kaso noong 2025 sa 92 kaso ngayong taon. Malaki rin ang ibinaba ng insidente ng murder, rape, at carnapping.
Ayon kay NCRPO Regional Director Police Major General Anthony Aberin, patunay ang mga resultang ito ng tuloy-tuloy na kampanya laban sa kriminalidad.
Tiniyak ng NCRPO na magpapatuloy ang kanilang agresibong operasyon upang mapanatili ang kaayusan at seguridad sa Metro Manila. (AR BERNARDO)
