Nasa 342 Pilipino mula Dubai, United Arab Emirates (UAE) ang ligtas na nakauwi ng Pilipinas lulan ng ika-siyam na chartered flight ng pamahalaan na lumapag sa Villamor Airbase bandang alas-3 ng hapon ngayong Lunes, April 13, 2026.
Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), ito rin ang ika-pitong chartered flight ng pamahalaan na nagmula sa UAE.
Kabilang sa mga Pilipinong nagbalik-bansa ang 255 overseas Filipino workers (OFWs) at 87 na kaanak, na piniling umuwi sa gitna ng kaguluhan sa Gitnang Silangan.
Sa kabuuan, mayroon nang 4,234 OFWs at 1,170 na kaanak ang nakauwi sa bansa sa ilalim ng whole-of-government repatriation program mula noong Marso 5, 2026.
Ang mga nakauwing OFWs ay nakatanggap ng agarang financial assistance, medical assessment, pansamantalang matutuluyan at pamasahe pauwi sa probinsya.
Nakaantabay din ang DMW para sa paghahatid ng komprehensibong reintegration support para sa muling pagsisimula ng mga nakauwing OFW sa pamamagitan ng libreng skills training, job matching at livelihood support. PERCIVAL GILHANG
