Isang malaking puno ng mangga ang bumagsak sa kahabaan ng 7th Ave. corner 5th St. sa Caloocan City nitong Lunes ng umaga, Abril 13, 2026.
Bandang alas-9:06 ng umaga nang makatanggap ng tawag ang Mangasar Rescue mula kay Konsehal Alex V. Mangasar matapos niyang madatnan ang nakahambalang na puno na nagdulot ng pagkabara sa daloy ng trapiko.
Agad na nagpadala ng mga kagamitang pang-cut ng puno ang konsehal upang simulan ang clearing operations.
Sa tindi ng pagbagsak, nadaganan ng nasabing puno ang isang kotse at isang motorsiklo na dumadaan sa naturang lugar.
Mabilis namang rumesponde ang Caloocan Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) upang saklolohan ang rider ng motor, na agad isinugod sa pinakamalapit na ospital para malapatan ng lunas.
Personal ding nakiisa sa pagputol ng mga sanga si Konsehal Alexander Mangasar upang mapabilis ang pag-alis sa mga nadaganang sasakyan.
Nakikipagtulungan na rin ang Meralco at Caloocan DRRMO sa clearing operations upang masiguro ang kaligtasan ng mga kable ng kuryente at maibalik sa normal ang daloy ng trapiko sa lugar.
