Tuluyan nang pumasok sa isang mapanganib na yugto ang hidwaan sa pagitan ng Estados Unidos at Iran matapos opisyal na simulan ng militar ng US ang isang naval blockade sa lahat ng daungan at baybayin ng Iran nitong Lunes.
Ang hakbang na ito ay direktang utos ni Pangulong Donald Trump bilang bahagi ng kanyang kampanya na ipitin ang Iran matapos mabigo ang marathon ceasefire talks sa Pakistan nitong nakaraang Sabado.
Ayon sa U.S. Central Command (CENTCOM), nagsimula ang operasyon alas-10 ng umaga, kung saan ipatutupad ang blockade nang walang kinikilingan laban sa lahat ng sasakyang pandagat na papasok o lalabas sa mga Iranian ports sa Persian Gulf at Gulf of Oman.
Bagama’t hinarangan ang mga daungan, nilinaw ng CENTCOM na papayagan pa rin ang mga barkong bumabiyahe sa pagitan ng mga bansang hindi kasali sa blockade na dumaan sa Strait of Hormuz, ang estratehikong waterway kung saan dumadaan ang malaking bahagi ng suplay ng langis sa buong mundo.
Agad na naglabas ng matinding banta ang Tehran sa pagsabing ang seguridad sa rehiyon ay para sa lahat o para sa wala.
Nagbabala ang Iranian Revolutionary Guards na walang anumang daungan sa buong Persian Gulf ang magiging ligtas kung itutuloy ng US ang blockade, habang mariing sinabi ni Mohammad Bagher Qalibaf, Speaker ng Iranian Parliament, na handa silang lumaban kung itutuloy ng Amerika ang pakikipagdigma.
Ang pagkabigo ng negosasyon sa Pakistan ay isinisisi sa hindi pagkakasundo sa mga “red lines” ng US, partikular ang paghiling na permanenteng itigil ng Iran ang uranium enrichment at ang kanilang nuclear program.
Sa kabilang banda, humihingi ang Iran ng dambuhalang kompensasyon para sa pinsalang dulot ng pag-atake ng US at Israel noong Pebrero at ang pagpapalabas ng kanilang mga frozen assets.
Dahil sa panibagong tensyong ito, agad na naramdaman ng buong mundo ang epekto sa ekonomiya matapos sumipa ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Ang presyo ng U.S. crude ay tumaas ng 8% tungo sa $104.24 bawat bariles, habang ang Brent crude ay umabot sa $102.29, malayo sa presyong $70 bago sumiklab ang kaguluhan.
Sa gitna ng krisis na ito, nilinaw ni British Prime Minister Keir Starmer na hindi sasali ang Britanya sa naturang blockade upang maiwasang makaladkad sa isang ganap na digmaan.
Nadamay rin sa batikos ni Pangulong Trump si Pope Leo XIV matapos itong tawaging “terrible on foreign policy” dahil sa panawagan ng Santo Papa na itigil na ang digmaan at bumalik sa negosasyon.
Sa kasalukuyan, nananatiling nakaamba ang panganib habang papalapit ang pagkapaso ng ceasefire sa Abril 22, sa gitna ng ulat na mahigit 5,000 katao na ang namatay sa bakbakan simula noong Pebrero.
