Inanunsyo ng Manila Electric Company (Meralco) na ang Sual Power Inc. (SPI) ang nagsumite ng pinakamababang alok para sa 200-megawatt baseload supply requirement ng kumpanya.
Sa bidding na ginanap noong Pebrero 16, 2026, naghain ang SPI ng presyong P4.2955 kada kWh para sa buong kapasidad na kinakailangan.
Ang alok na ito ang itinuring na pinakamahusay sa anim na kumpanyang nagsumite ng kani-kanilang mga bid mula sa orihinal na labinlimang nagpahayag ng interes.
Bukod sa SPI, kinilala rin bilang mga susunod na posibleng best bids ang Mariveles Power Generation Corporation na may P4.3805 kada kWh, Bac-Man Geothermal Inc. na may P4.5187 kada kWh, at San Manuel Solar Inc. na nag-alok ng P4.5787 kada kWh.
Kasama rin sa mga nagsumite ng bid ang ACEN Corporation at First Gen Hydro Power Corporation na naghain naman ng mas mataas na presyo na P5.2087 at P5.4906 kada kWh para sa mas maliit na suplay ng kuryente.
Ayon kay Lawrence S. Fernandez, Chairman ng Meralco Bids and Awards Committee for Power Supply Agreements, ang matagumpay na Competitive Selection Process (CSP) ay muling nagpatunay na makakakuha ng murang suplay para sa mga konsyumer sa pamamagitan ng isang bukas at transparent na paraan.
Ang buong proseso ay sinaksihan ng mga consumer groups at ipinalabas nang live sa YouTube upang matiyak ang integridad nito.
Sasailalim muna ang SPI sa post-qualification evaluation bago tuluyang lagdaan ang Power Supply Agreement na isusumite sa Energy Regulatory Commission para sa pinal na pag-apruba.
