Pinabuksan ni Dra. Grace Padilla ang espesyal na leptospirosis ward sa Sta. Ana Hospital. (ARSENIO TAN)
Dahil sa sunod-sunod na pagkamatay at pagdami ng biktima, nagbukas ng espesyal na ward sa Sta. Ana Hospital na eksklusibo para sa mga tinamaan ng leptospirosis.
Ayon kay MHD chief Dr. Grace Padilla, umabot na sa 18 ang patay sa lungsod dahil sa sakit na ito, habang marami pa ang kritikal at may ilan na sumasailalim na sa dialysis. Karamihan daw sa mga pasyente, huli na kung magpagamot kaya lumalala ang kondisyon.
Payo ni Padilla, iwasan ang baha. Pero kung di maiiwasang lumusong, agad magtungo sa health center para mabigyan ng libreng prophylaxis, lalo na kung may sugat sa paa.
Samantala, siksikan na ang emergency room ng Ospital ng Maynila na may 140 leptospirosis cases na. Dahil limitado ang kama, puwedeng magpatulong sa ospital para ma-refer sa ibang pagamutan.
“Huwag na nating dagdagan pa ang bilang ng mga biktima,” panawagan ni Padilla. (ARSENIO TAN)
