
Umalingawngaw ang galit matapos patayin ng militar ng Israel sa isang airstrike ang mamamahayag ng Al Jazeera na si Anas Al Sharif, na tinuturing umano nilang lider ng Hamas.
Ayon sa Israel, si Al Sharif ay utak ng mga rocket attack laban sa mga sibilyan at sundalong Israeli, batay daw sa “intel” at mga dokumentong nakuha sa Gaza. Pero giit ng Al Jazeera, siya ay isang matapang na mamamahayag na tumutok sa totoong kalagayan sa Gaza — at walang basehan ang paratang ng Israel.
Kasama ni Al Sharif, tatlo pang mamamahayag at isang assistant ang namatay nang tamaan ng missile ang kanilang tent malapit sa Shifa Hospital. Pitong katao lahat ang binawian ng buhay sa insidente.
Mariing kinondena ng Hamas, Al Jazeera, at mga grupo ng mamamahayag ang ginawa ng Israel, na anila’y tahasang pag-atake sa media para patahimikin ang katotohanan bago ang inaasahang bagong opensiba sa Gaza.
Sa kabila ng batikos, ipinagmalaki ni Israeli PM Benjamin Netanyahu na itutuloy ang operasyon para durugin ang dalawang natitirang kuta ng Hamas. Pero banta ng mga eksperto at humanitarian groups — lalo lang nitong palalalain ang gutom sa Gaza kung saan mahigit 217 katao, kabilang ang 100 bata, na ang patay dahil sa malnutrisyon.
Simula nang sumiklab ang giyera noong Oktubre 7, 2023, mahigit 61,000 Palestinians na ang napatay, habang halos lubog na sa kagutuman at pagkawasak ang buong Gaza Strip. (LIMUEL TOLENTINO)
